Resources / Word for the Soul

Ang Kahalagahan ng Pagkakatipon

Ang salitang pagkakatipon o fellowship ay hango sa salitang Griego na “koinonia” na ang ibig sabihin ay “sharing in common, o partnership, o communion”.

Ang unang Iglesia na pinangungunahan ng mga Apostol ang siyang nagpakita ng napakagandang larawan ng koinonia o ng biblical na pagkakatipon. Sa Gawa 2:42, “At sila’y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin.” At gayun din sa Gawa 4:32, “At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa…” Ang mga kapatid sa Filipos ang siyang naging tanyag sa “…pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon” (Filipos 1:5).

Ang pagtitipon ng mga banal ay naipakita ng unang Iglesia sa maraming kaparaanan. Una, ang kanilang pagtitipon ay naging katangi-tangi sa paningin ng mga pagano. Ang kaisahan sa paggawa ang nagbigay ng pagkakakilanlan sa kanila at nag-ani ng paghanga ng mga tao. Sa panahong ang mundo ay nasa gitna ng mga digmaan, alitan at kawalan ng katarungan, ang mga Cristiano ay nanatili sa tali ng pag-ibig, kahabagan at pakikisama sa isa’t isa. Sa aklat ng mga Gawa 2:44, “At ang lahat ng mga nagsisampalataya ay nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.” Hindi nila ipinagkait ang kanilang sariling pag-aari, maibahagi lamang ito sa pangangailangan ng lahat.

Pangalawa, ang pagkakatipon ay mabisang paraan upang maganap ang malaking pagkakatiwalang ibinigay ng Dios sa Iglesia. Sa kabila ng matinding kahirapan at mga pang-uusig na tiniis ng mga taga Filipos, hindi ito naging hadlang sa pagpapalaganap ng evangelio ng ating Panginoong Jesucristo. Sa halip, si Apostol Pablo ay napuno ng kagalakan at pagpapasalamat sa kanila dahil sa “pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon” (Filipos 1:5). Si Apostol Pablo mismo ang nagpapatotoo ng kanilang hindi pangkaraniwang pakikisama sa pagdadala ng kaligtasan sa mga tao. “At ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa’y may pagkakatiwala sa aking mga tanikala, ay lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios.” (Filipos 1:14). Ang kanilang malalim na pakikisama sa evangelio ay naging sapat upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan sa mga materyal na bagay.

Ngunit ang pakikiisang ipinakita ng mga banal ay hindi lamang sa pisikal na kalagayan, kundi higit sa lahat, ang kanilang pagtitipon ay sa espiritwal na ikatitibay, dahil sa Dios nakasentro ang kanilang pananampalataya: pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo at sa mga sugo ng Dios. “Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo” (1 Juan 1:3). Kung ang unang Iglesia ay nanalig sa kanilang sariling kakayahan at lakas, hindi nila mapagtatagumpayan ang bawat hirap at pagtitiis sa paglilingkod. Malaki ang nagagawa ng pakikisama ng Dios at ng mga sugo sa higit na ikatatagumpay ng gawain ng Dios.
Samakatuwid, ang banal na pagkakatipon ay maaari lamang masumpungan sa tunay na mga Kristiyano, hindi ito gaya ng pagsumpong ng karamihan sa mga grupo na nagsasabing sila rin ay naglilingkod sa Dios. “…Sapagka’t anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? O anong pakikisama mayrooon ang kaliwanagan sa kadiliman? At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? o anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di sumasampalataya? At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Dios sa mga diosdiosan?” (2 Corinto 6:14-16). Malinaw sa talatang ito na ang isang kalipunan ay hindi maaaring maging banal na pagkakatipon kung may dalawang paniniwala: mga sali’t saling aral ng tao at bibliya.
Sa 1 Corinto 12:13, “Sapagka’t sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan…” at sa katawang ito, na siyang Iglesia, tayo ay iisa sa pananampalataya ayon sa Kasulatan. “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol” (1 Corinto 1:10). Ito ang malaking dahilan kung bakit ang Iglesia ay nakasalig sa turo’t aral ng mga apostol. Sapagka’t kung ito’y ayon sa katurauan ng tao, hindi na ito magiging banal na pagkakatipon.
Ang panawagan sa pakikisama ay hindi ibinibigay sa lahat ng mga tao, anuman ang kanilang espiritwal na kalagayan, kundi ito ay inilalaan lamang sa mga kabahagi sa tunay na Iglesia ng Panginoon. Nang isinulat ni Apostol Pablo ang kanyang epistula sa mga taga Corinto, hindi ito para sa lahat ng nakatira doon, kundi ito’y ukol sa mga kapatid na kung tawagin ay “…mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal” (1 Corinto 1:2). Kaya’t napakaliwanang na ang mga tunay na Cristiano ang dapat magkaroon ng kabigatan sa mga pagkakatipon. Sapagka’t sa paggawa natin, tayo ang higit na pagpapalain ng Dios, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.
Mula sa artikulo na “The Importance of Fellowship” ni Bishop Jonathan Ferriol
The Word Vol. 8 No. 58 (Jan 1998)
No Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *