Resources / Word of Life

Pagsusumikap para sa Kahusayan

Ang mga nakapaglingkod ng mahusay ay magtatamo ng kalakasan ng loob sa pananampalataya (1 Timoteo 3:13). Sa pangakong nakalaan sa mahusay na paglilingkod ay makikita natin kung anong uri ng paglilingkod ang nararapat nating gawin.

Hindi madaling makamit ang ganitong antas ng paglilingkod. Mayroong mga hadlang o balakid sa pagtamo nito. Nasusulat sa Roma 12:2,

“At huwag kayong magsiayon sa sanlibutang ito: kundi mag iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga pag iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaya at lubos na kalooban ng Dios.”

Upang makarating tayo sa antas ng paglilingkod na mahusay, ang salita ng Dios ang ating gabay sa paglilingkod. Iniuutos na huwag magsiayon sa sanlibutan sapagka’t ang kaisipan ng laman ay pakikipag-alit sa Dios at hindi napapasaklaw sa kautusan ng Dios (Roma 8:7). Dagdag pa rito ang wika sa 1 Juan 2:15-16,

“Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama. Sapagka’t ang lahat na nangasa sanlibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanlibutan.”

Ang pita ng laman ay pakikipaglaban sa Dios sapagkat ito ang kasangkapan ng sanlibutan upang hadlangan ang mahusay na paglilingkod. Ang kaisipan ng laman ay kamatayan samantalang ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan (Roma 8:6). Sa gayon ang kaisipan ng laman ay papatay sa iyong pananampalataya; ang pananampalataya ay dapat buhay.

Mapanganib na tayo ay mapasakop sa kasalanan o madaya ng sanlibutan. Halimbawa nito ay si Samson na dinaya ni Dalila (Hukom 16). Hindi batid ni Samson na humiwalay na sa kanya ang Espiritu ng Dios. Ito ay dapat na maging babala sa atin na baka tayo ay nasa sanlibutan na.

 

Ano ang nararapat gawin?

Mag-iba sa pamamagitan ng pagbabago ng pag-iisip. Sa pamamagitan ng pag-iisip maiiwasan ang mga bagay ng sanlibutan. Upang maitaboy ang kaisipang makasanlibutan, ano ang dapat hangarin?

“Magkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito’y na kay Cristo Jesus din naman:” –Filipos 2:5

Dapat nating angkinin ang kaisipan ni Cristo at wala na dapat lugar ang masamang espiritu sa ating pag-iisip.

 

Ano ang kaisipan ni Cristo?

Ang kaisipan ni Cristo ay upang ang Iglesia ay yumaman, hindi sa materyal kundi sa mga kaloob (1 Corinto 1:3-7). Halimbawa nito ay ang Iglesia sa Corinto kung saan si Apostol Pablo ay nagpapasalamat sapagkat kumpleto sa mga kaloob. Ang mga kaloob na tinanggap ang siya namang ipaglilingkod ng bawat isa (1 Peter4:10).

Gaya ni Apostol Pablo ay maging mapagpasalamat tayo sa ating mga tinanggap na kaloob. Tayo ay magsumikap sa ating paglilingkod at pahalagahan ang mga ipinagkatiwala sa atin. Pagpapalain tayo ng Dios kung ating pagsusumikapan ito.

Ang iglesiang mayaman sa kaloob ay malago. Tayo ay mga sisidlan ng mga kaloob. Samantala ang iglesia namang walang kaloob ay mahirap.

 

Paano yayaman sa kaloob ang Iglesia?

Una ay humingi ng kaloob. Maningas nating nasain ang paghingi ng kaloob sa Dios (1 Corinto 14:1). Kapag nakita nating kulang tayo sa kaloob ay humingi tayo ng may maningas na puso. Sinabi ni Jesucristo na humingi kayo at kayo’y tatanggap (Mateo 7:7; 21:22). Dapat nating ugaliin na laging lumapit at humingi sa Kanya.

“Sapagkat ang Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.” – Filipos 2:7

Ang isa pang paraan upang yumaman sa kaloob ang iglesia ay huwag pabayaan ang kaloob na nasa atin (1 Timoteo 4:14). Sa Mateo 25 ay matatagpuan ang parabula ng mga talento. Sinabi sa aliping nagtapat sa mga talentong tinanggap, “…nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:21). Ang alipin naman na hindi pinagyaman ang kanyang kaloob ay pinarusahan at itinapon doon sa pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin (Mateo 25:30).

 

Bakit hindi ipinapagamit ng iba ang kanilang kaloob?

Ito ay sa dahilang sila ay may pag-iisip ng sanllibutan. Hindi dapat maging ganito ang ating kaisipan. Ang ating pag-iisip ay dapat maging kagaya ng sa Panginoon. Kung tapat ang ating pananampalataya, ang Dios ang sasagot sa ating mga nasa. Sa gayon ang iglesia ay magiging makapangyarihan at matagumpay.

Kung maghahari sa atin ang makasanlibutang pag-iisip, magiging walang kabuluhan ang ating pananampalataya. Ngunit kung ang ating pag-iisip ay maging pag-iisip ng Panginoon, ang ating pananampalataya ay magiging malago at payayamanin tayo ng Dios sa kaloob.

By Bishop Resting Zonio

No Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *