Resources / Word of Life

Pagpapahalaga sa Kabutihan ng Dios

“Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa ating ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Dios; at tayo’y gayon nga. Dahil dito’y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka’t siya’y hindi nakikilala nito.”-1 Juan 3:1

Ang talatang  ito ay nagbibigay pansin sa pagpapahalaga sa mga kabutihan ng Dios. Sa pagkilala sa kabutihan Niya, tayo’y nakapagpupuri, nakapagluluwalhati at nakapagpapasalamat sa Panginoon. Ang unang bahagi ng talata ang nanghihikayat na dapat lubos nating madama at makilala ang kabutihan ng Dios na tayo ngayon ay mga anak Niya. Isang napakalaking biyaya na tayo’y magkaroon ng karapatang matawag na mga anak ng Dios. Kung sa tao ay itinuturing na mapalad sa dahilang anak ng isang bantog o marangal na  tao, lalong higit ang kalagayan na maging anak ng Dios. May mga tao na gayon na lamang ang pagpapahalaga sa kalagayang ito dahil sa kanilang karanasan. Halimbawa ang isang taong nakakulong na matapos makakilala sa Dios, ang isang buhay na walang kalayaan at kapayapaan ay nabago tungo sa isang buhay na mayroong pag-asa.

Ang sabi ng Biblia, kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; ang pagiging anak ng Dios ay tinanggap natin sa pagtanggap sa ating Panginoong Jesucristo (Juan 1:12). Dagdag pa rito, ang sabi sa 1 Pedro 2:9-10,

“Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa’t ngayo’y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa’t ngayo’y nagsipagkamit ng awa.”

Ang dating hindi bayan ay bayan na ng Dios. Ang dating hindi mga anak ng Dios, dahil sa biyaya at pag-ibig ng Dios, ay ginawang mga anak at tagapagmana. Tayo ay mga mamamayan na rin ng langit (Filipos 3:20). Ating hinihintay ang pagbalik ng Panginoong Jesucristo na siyang magbabago ng ating katawan upang maging katulad ng Kanyang katawang maluwalhati, bilang mga anak ng Dios ay binigyan tayo ng mga bantay na mga anghel (Hebreo 1:13).

Ang mga katotohanang ito ay dapat magdala sa atin sa higit na pagtatapat at mas mataas na antas ng paglilingkod. Ang sabi ni Apostol Pablo,

“Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong; Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain  ninyo ang kalooban ng Panginoon.”

Ang kamangmangan na tinutukoy dito ay hindi sa sekular na kaalaman kundi sa kalooban ng Panginoon.

Halimbawa ng kamangmangan na ito ay ang hindi pagbibigay ng ikapu at pagpapabaya sa mga nakatakdang gawain.

Ang karunungan naman na dapat taglayin ng mga anak ng Dios ay ang makalangit na karunungan (Santiago 3:17). Paano ito nahahayag? Sa Mateo 7:24-25,

“Kaya’t ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato: At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka’t natatayo sa ibabaw ng bato.”

Samakatuwid, nahahayag ito sa ating pagsasagawa at pagganap ng mga kautusan ng Dios. Kaya tayo ay lumakad ng  may karunungan at ang salita ng Dios ay dapat maipon nang maipon natin.

“Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo’y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.” Colosas 3:16

Bakit marunong ang gumaganap sa kalooban ng Dios? Ang sabi ni Apostol Pablo,

“Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila’y   makapanangan sa buhay na tunay na buhay.” 1 Timoteo 6:19

Hindi lamang temporal na bagay ang dapat pahalagahan. Isang napakalaking kamangmangan kung hindi natin maisagawa ang mga aral na ipinagkaloob sa atin. Gaya ng sinasabi sa Mateo 7:26:27,

“At ang bawa’t dumirinig  ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan: at lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.”

Isang napakalaking pagsisisi ang mangyayari kapag pinalampas ang mga pagkakataon. May nakalaang pagtangis at pagngangalit  ng mga ngipin sa mga hindi nakatanggap ng kaligtasan. Dapat nating ituring na tungkulin ang pagpapatotoo at pangangaral ng Salita ng Dios. Sa pagsunod sa mga kautusan ng Dios, ang iglesia ay sinangkapan ng kumpletong kaloob para ito’y  maging sakdal (Efeso 4:11). Sa pamamagitan ng mga kaloob ay nagkakaroon tayo ng kamalayan sa napakalaking biyaya na ating natanggap. Nagpapasalamat din tayo sapagkat sa PMCC 4th Watch ay pinagkalooban tayo ng kumpletong turo’t aral. Karanasan  natin at ating nasasaksihan kung paano ang mga aral na dala ng mga sugo ng Dios ay nagwasak ng maling haka. Sa pamamagitan din ng ating pangangaral ng evangelio ay naibabahagi natin sa mga tao ang kabutihan ng Dios na ating tinanggap.

By Bishop Resting Zonio

 

No Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *